• Home
  • /
  • News
  • /
  • Kulminasyon ng Buwan ng Wika sa Manuel L. Quezon University Senior High School

Kulminasyon ng Buwan ng Wika sa Manuel L. Quezon University Senior High School

Noong Ika-30 ng Agosto taong 2023, nagkaroon ng masayang pagdiriwang ang Manuel L. Quezon University (MLQU) Senior High School Department bilang bahagi ng pagtatapos ng Buwan ng Wika.  Nagdulot ito ng mga makabuluhan at mapanuring mga kaganapan na nagbigay-pugay sa ating katutubong wika at sa halaga ng pagsasalinlahi.

Ang temang “Filipino at mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Inklusibong Pagpapatupad ng Karunungan Panlipunan” ang nagtampok sa pagdiriwang.  Ipinakita nito ang kahalagahan ng wika sa pagpapahayag ng kapayapaan at seguridad pati na rin sa pagsulong ng isang lipunang may pagkapantay-pantay.

Naging masaya at makabuluhan ang okasyon para sa mga mag-aaral at mga guro ng Grade 11 at Grade 12.  Isa itong senyales ng kanilang pagmamahal at pagpapahalaga sa sariling wika at kultura.  Naging malalim ang epekto ng temang ito sa kanilang puso at isipan.

Bilang bahagi ng buong buwan ng selebrasyon, nagsagawa rin ang paaralan ng iba’t ibang kompetisyon upang higit na mapalagananp ang kahalagahan ng wika.  Isinagawa ang Retra Tula, kung saan ang mga mag-aaral ay nagpamalas ng kanilang husay sa pagtula.  Nagkaroon din ng pagsusulat ng sanaysay at paglikha ng mga poster na nagpapakita ng kahalagahan ng wika.  Sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, hinihimok ang mga mag-aaral na maging malikhain at mapanuring mamamayan.

Kasama sa mga pangunahing bahagi ng program ang paggawad ng mga sertipiko sa mga nagwagi sa mga patimpalak, pati na rin ang pagpapasinaya sa mga bagong opisyales ng mga klase.  Isa sa mga natatanging bahagi ng pagdiriwang ay ang mensahe mula kay Vice President for Academic Affairs John Joseph Fernandez kung saan binigyang diin niya ang kahalagahan ng pagmamahal sa sariling wika at ang patuloy na pagpapahalaga sa Buwan ng Wika taun-taon.

Si SHS Principal Rhia Clarissa Vicente and naging pangunahing tagapangasiwa ng pagdiriwang, kasama ang Office of Student Affairs and Services (OSAS).

Hindi lamang sa Senior High School Department naganap ang mga makabuluhang kaganapan.  Kasabay nito, nagkaroon din ng mga aktibidad and General Education Program na naglalayong itampok ang kahalagahan ng wika sa pangkalahatang  edukasyon.  Ipinamalas ng mga mag-aaral sa undergraduate level ang kanilang husay sa pag basa ng tula at pagkanta sa wikang Filipino.  Nagpalabas din ng mga mahahalagang pelikulang Pilipino.

Isa sa mga bagay ng nagbigay kulay sa okasyon ay ang pagsusuot ng mga mag-aaral ng tradisyunal na kasuotang Pilipino. Ngunit mas pinalakas ang pagpapahalaga sa kanilang sarili sa pamamagitan ng paggamit ng mga recycled na materyales para sa kanilang kasuotan.  Ipinakita nito ang kanilang kreatibidad sa pag-aalaga sa kalikasan.

Sa huli, ang kulminasyon ng Buwan ng Wika sa MLQU SHS Department at General Education Program  ay hindi lamang nagbigay-pugay sa mga katutubong wika, ngunit pati na rin ang pagmulat sa mga mag-aaral o ang pagpukaw sa kani kanilang  damdamin sa kahalagahan ng kanilang identidad at kultura.  Isang tagumpay ito na nagpapakita ng malasakit sa pagpapahalaga sa wika ng kanilang bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *